Dahil sa pandemic,
marahil isa ang panonood ng pelikula sa pinagkakaabalahan ng ilang mga kabataan
bukod sa pagdalo sa online class. Tulad nila, may mga pagkakataon ding
nababad ako sa panonood ng mga pelikula. Minsan naman ay ginugugol ko ang aking
oras sa pagbabasa ng mga nobela.
Habang
kausap ko ang ilan sa aking mga kaibigan, I came across a good movie
entitled “Enola Holmes.” Inirekomenda rin ito ng aking kaibigan na siyang adik
sa Netflix at sinabi pa niya, “if you want to watch a good movie, try and
watch Enola Holmes, Marco.”
Masasabi
kong maganda nga ang pelikula sa unang tingin pa lamang. Bukod sa poging aktor
na si Henry Cavill at ang iniidolo kong si Helena Bonham Carter, interesado
rin ako dahil sinubaybayan ko rin ang magaling na detective na si Sherlock
Holmes.

Tungkol saan ang pelikula?
Babala:
Sa mga nais magpatuloy sa pagbabasa, ang post na ito ay may spoilers
tungkol sa pelikulang Enola Holmes (2020). 😊
Sa unang beses na makita o
marinig mo ang pamagat ng pelikula, marahil unang pumasok sa iyong isipan ang
tanong na, “kaano-ano kaya ito ni Sherlock Holmes?”
Si
Enola Holmes ay isa sa mga kapatid ni Sherlock Holmes. Siya ay lumaki kasama
ang kanyang ina sa kanayunan at bihira na niyang makita ang kanyang mga kapatid
mula nang sila ay umalis sa poder ng kanilang ina. Lumaking matalino si Enola
at masasabing hindi “angkop” sa kanyang kasarian ang mga natutunan niya sa
kanyang ina, tulad na lamang ng pagsasanay ng jiu jutsu. Isang umaga, sa
araw ng kanyang kaarawan, bigla na lamang nawala ang kanyang ina. Nag-iwan ito
ng isang regalo para sa kanya na isa palang clue kung nais niyang
hanapin ito.
Dahil
sa pagkawala ng kanyang ina, umuwi ang dalawa niyang kapatid na sina Mycroft at
Sherlock. Nakita nilang iba si Enola kung ikukumpara sa mga kababaihang nasa
kanyang edad. Dahil dito, napagpasiyahan ni Mycroft na pag-aralin si Enola sa
isang finishing school kung saan itinuturo ang iba’t ibang social
graces upang ihanda ang mga kababaihan sa pagpasok sa lipunan.
![]() |
| Enola at Sherlock sa finishing school |
Masasabing patriyarkal ang
pag-iisip ni Mycroft—isang katangian na madalas mong makikita sa mga
kalalakihan noong kapanahunan, at posibleng pati na rin sa mga mayayamang
pamilya sa ating lipunan ngayon. Hindi ito ang nais gawin ni Enola kaya’t
naisipan niyang lumayas at hanapin ang kanyang ina, na nalaman niyang lumahok
pala ito sa isang feminist movement.
Dahil sa paglalayas na ito, nakilala ni Enola si Tewkesbury, isang lalaking mula sa mayamang pamilya. Maraming isyu ang nakapalibot sa lalaking ito na kanya namang tinulungan habang hinahanap ang kanyang ina. Hindi ko na i-e-elaborate pa at irerekomenda ko na lamang na panoorin mo ang pelikula.
![]() |
| Viscount Tewkesbury (ang pogi ay) |
Bakit magandang panoorin ang
pelikulang ito?
Ang pinakatumatak sa akin ay
ang mga katagang binitiwan ni Edith, isa ring miyembro ng feminist movement,
nang makausap niya si Sherlock Holmes:
“You don’t know what it is to be without power. Politics doesn’t interest you because you have no interest in changing a world that suit you well.”
—Edith (Enola Holmes 2020)
Bato-bato sa langit. Karamihan
sa mga tao, hindi lamang tungkol sa isyu ng peminismo, ay may ganitong attitude.
Kung hindi mo nararanasan ay hindi ka magrereklamo. Kung hindi ka naaagrabyado
ay hindi ka aakto. Sa kasong ito ni Sherlock Holmes, hindi niya lubos maisip
kung bakit iniwan ng kanyang ina si Enola para sa organisasyong ito kaya naman
naisip rin niyang hanapin ang kanyang ina. Masasabing patriyarkal din ang
pag-iisip na ito ni Sherlock Holmes.
Ipinahihiwatig ng mga salitang
ito na walang naitutulong ang pagiging passive pagdating sa pulitika.
Ika nga nila, “neutrality helps the oppressor, never the victim.”
Marami pang nais ipunto ang pelikula. Pinili ko ang Enola Holmes (2020) dahil masasabing si Enola ay isang karakter na may mga katangiang karaniwan mong makikita sa lalaking main character—matalino, nakikipaglaban, at may inililigtas na isang damsel in distress (sa kaso ni Enola, ito ay si Tewkesbury).
Isa pang magandang katangian ng
pelikula ay makikita sa wakas nito. Hindi ito isang pelikula na nauuwi sa love
story at nagtatapos sa tipikal na kissing scene. Makikita sa
katapusan ng pelikula na ninais ni Enola na hanapin ang kanyang sarili, isang
magandang mensahe na hindi lamang sa lalaki umiikot ang kanyang kwento. Good
plot, amazing characters. 10/10.
Tingin ko naman ay hindi na dapat gawing basehan ang kasarian sa panahong ito. Marami nang bagay ang nabago ng panahon ngunit hindi pa rin maiwasan ang diskriminasyon. Minsan ay mapapaisip ka na lamang talaga kung kailan ba maliliwanagan ang mga tao tungkol sa ganitong bagay, o kaya naman ay magtataka ka kung ano ang pumapasok sa isip ng mga ganitong klase ng tao.
Anyway,
iyon lamang para sa blog na ito. Ang pogi mo, Henry Cavill! Heart heart 💕



